Nabigo ang first round winners na sina Wally Fernandez at Christopher Flores na maisalba ang Pilipinas nang kapwa yumuko ang mga ito sa kani-kanilang top rank na kalaban sa ikalawang araw ng kompetisyon na bahagi ng Grand Prix meet ng International Badminton Federation (IBF).
Yumuko si Fernandez kay world No. 20 To Bao Chuntal ng China, 11-21, 17-21; habang ginapi naman si Christopher Flores ng seasoned internationalist at fourth seed na si Pang Eric ng Netherlands, 10-21, 13-21.
Si Flores ang ikalawang Pinoy na yumuko kay Pang sa loob ng dalawang araw makaraang gapiin ng world No. 7 si Pinoy No. 1 Kennievic Asuncion sa opening round.
Sa kabilang dako, si Kennie, ang kapatid ng pamosong Asuncion, ay bigo rin sa kanyang unang laban kay Lin Chuan ng Taipei, 21-19, 15-21, 21-23 sa womens single main draw.
Lumasap din ng matinding kabiguan ang RP Team sa mens doubles nang matalo sina Arolas Amahit at Lloyd Escoses sa Malaysian duo na sina Thien How Hoon at Boong Heong Tan, 13-21, 8-21; habang ang tandem nina Owen Lopez at Rodel Bartolome ay lumuhod kina Chia Hsin Tsai at Chung Shyan Hu ng Taipei, 21-17, 4-21, 7-21; gayundin ang parehas nina Ian Pencenaves at Jaime Junio na natalo kina Howard Bach at Khan Bob Malaythong ng USA , 4-21, 10-21.