Tinuruan ng matinding leksyon ni Diaz si Suico na mayroong taglay pang dalawang pulgadang height advantage sa nagdedepensang kampeon, nang gawing punching bag ni Diaz ang ulo ng Filipino challenger.
Sa halip na gamitin ang angking bentahe sa taas at kamay sa pamamagitan ng jabs ay nakipagsabayan nang suntukan si Suico na kinapitalista ni Diaz sa kanyang mga tila di sumasablay na suntok.
Dahil sa tindi ng mga tama ni Diaz kay Suico mula ulo hanggang sa katawan ay dinesisyunan ni referee Joe Cortez na itigil ang laban sa 2:06 sa eight round sa itinakdang 12 round bout para sa isang Technical Knock Out panalo ni Diaz.
Ang tagumpay ay nagpanatili sa malinis na karta ni Diaz na 30-0 at naiangat sa 15 ang KO panalo.
Ito naman ang ikatlong kabiguan sa 27 laban ni Suico na nag-unsiyami sa pangarap na titulo ng tubong Mandaue City boxer.
Ang pag-akyat sa lona ay unang pagtatangka ni Suico sa lehitimong world title at ang kabiguan ay hindi pumawi sa kabiguang inabot sa kamay nina Mzonke Fana at Javier Jauregui na pawang nanalo gamit ang desisyon ng tatlong hurado.
Ang laban na ito ay undercard sa rematch sa pagitan nina Shane Mosley at Fernando Vargas na napanalunan uli ni Mosley sa pamamagitan ng sixth round knockout. (LMC)