Pangungunahan ng two-time UAAP Most Valuable Player na si Arwind Santos ng FEU at NCAA MVP titlist na si Jay Sagad ang mga aplikante.
Kabilang sa mga aplikanteng nais makalaro sa professional league ay ang isang Alexander Davin, isang 511 point guard na sinasabing mag-aala-Mark Caguioa.
Noong 2002, may nakapagsabing mahusay si Caguioa na pinatunayan nito sa kanyang pagkapanalo ng Rookie of the Year award.
"Magaling daw pero hindi pa natin alam kung ano ipapakita sa Rookie Camp," pahayag ng player-agent na si Charlie Dy na humahawak din kina Far Eastern Universitys Mark Isip at RJ Rizada, Nicole Uy ng San Sebastian College, Harbour Centre Robert Reyes, at Jay-R Reyes ng Welcoat na nag-apply din sa draft.
Ang 27-gulang na si Davin ay anak ng mag-asawang taga-Zambales ngunit inampon ito ng kanyang tiyahin na nakapag-asawa ng Kano.
Ayon kay Dy, darating sa susunod na buwan si Davin na nag-aral sa Zee High School sa New York kung saan siya ang may school records sa steals, assists at 3-pointers.
Pumasok din si Davin sa Dominican College kung saan binigyan siya ng honorable mention sa all-freshmen team. Sa kaagahan ng taong ito, naglaro si Davin sa Norway kung saan nanguna siya sa scoring, assists, steals na naging susi sa pagkopo ng kanyang koponan ng Norwegian championships.
Tatlong Fil-Ams ang nagpalista sa draft na kinabibilangan nina Rob Reyes, Joe Devance at Kelly Williams.
Ang iba pang malalaking pangalan sa mga draft applicants ay sina L.A. Tenorio, Mark Magsumbol, Chico Lanete, Jireh Ibañez at Joseph Yeo. (CVOchoa)