At ngayon, babanggain nila ang defending champion Far Eastern University para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa alas-4:00 ng hapong sagupaan na nakatakda sa Ninoy Aquino Stadium.
Agad nagpasiklab ang UE Red Warriors noong opening day (Hulyo 4) sa pamamagitan ng kanilang eksplosibong 72-57 panalo laban sa Adamson University.
"Ang kulang lang talaga namin is yung sa center position dahil obviously, puro mga guards at wingman ang players ko," pahayag ni UE coach Dindo Pumaren. "Siguro yung disadvantage namang yon ang gagamitin ng FEU against us."
Inaasahang muling babandera sa Red Warriors, sina Marcy Arellano, Mark Borboran, Bon Bon Custodio at Elmer Espiritu na siyang nagbida sa buwenamanong tagumpay ng UE.
Bagamat wala na ang mga key players ng FEU Tamaraws, kumpiyansa naman si Bert Flores na makakapagdeliber sina Jeff Chan, Francis Barcellano, Jonas Villanueva at Roser Mangahas.
"Medyo wala na yung mga veteran players namin like Arwind Santos and Mark Isip, kaya kailangan talagang maglaro ng maganda ang lahat ng players," sabi ni Flores sa Tamaraws.
Sa tatlong juniors games, maghaharap ang Ateneo Baby Eaglets at ang Adamson Baby Falcons sa alas-9:00 ng umaga kasunod ang laban ng UP Baby Maroons at UST Tiger Cubs sa alas-11:00. Maghaharap naman ang UE Pages at NU Bullpups sa alas-2:00 ng hapon. (CVOchoa)