Ang kasagutan niyan ay malalaman pagkatapos ng Game-Four ng Gran Matador Brandy-PBA Philippine Cup ngayong alas-7:10 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Nagawang makatikim ng Red Bull ng kanilang unang panalo sa best-of-seven championship series sa pamamagitan ng 89-79 panalo sa nakaraang laro bagamat lamang pa rin ang Chunkee Giants sa 2-1 panalo-talo.
Sisikapin ng Red Bull na maduplika ang kanilang nakaraang tagumpay sa pamamagitan ng isa na namang intensibong laro upang itabla ang serye.
Ang kanilang nakaraang tagumpay ay nagbalik ng kanilang kumpiyansa matapos mabigo ng dalawang sunod.
"It (Game Three win) was only the start," ani coach Yeng Guiao. "Weve gained some confidence, but I will not say that weve fully recovered. But if we can do it again, we can make it (series) more interesting."
Kakaibang depensa ang ipinamalas ng Red Bull sa Game Three kung saan napigilan nila ang outside shooting ng Giants.
"We were just consistent," ani Guiao ukol sa depensa ng Bulls. "We matched their defensive intensity, unlike in Games One and Two when our defense only came in spurts."
Mauuna rito, gaganapin ang The Leos 31st Annual Awards sa alas- 6:30 ng gabi kung saan ihahayag ang Most Valuable Player na pinaglalabanan nina James Yap at Kerby Raymundo ng Purefoods at Enrico Villanueva ng Red Bull.
Bago ito ay magkakaroon ng pagsasalo-salo ang mga sponsors at players sa alas-4:00 ng hapon kasunod ang Sta. Lucia May Pera sa Bola Raffle Draw sa alas-5:30 habang sa alas-7:00 ng gabi ay ang Hope Raffle Draw. (Carmela V. Ochoa)