Mapua bagsak sa San Sebastian

Matapos mabigo sa unang pagtatangka, nakatikim rin sa wakas ang rookie coach na si Raymond Valenzona ng panalo sa NCAA men’s basketball tournament nang magbida ang beteranong si Jim Viray sa 76-68 panalo ng San Sebastian College laban sa Mapua Institute of Technology sa unang seniors game kahapon.

Mabilis na nabura sa alaala ni Valenzona, anak ng long-time coach ng San Sebastian na si Arturo, ang 67-73 pagkatalo laban sa University of Perpetual Help Dalta noong opening day sa pamamagitan ng panalong ito na nag-angat sa Baste sa1-1 panalo-talo.

Nagpamalas si Viray ng impresibong performance sa pagkamada ng game-high na 24-puntos bukod pa sa kanyang 10-rebounds, dalawang steal at isang assists katulong si Jayson Ballesteros na may 13-puntos, siyam nito ay sa ikaapat na quarter para tuluyang makalayo ang Baste.

Sa pang umagang aksiyon sa volleyball competition, nanalo sa men’s division ang host St. Benilde laban sa Letran, 25-12; 24-26; 25-22; 25-21 ngunit nakabawi naman ang Letran sa women’s division sa matensiyong five set game, 25-16; 22-25; 21-25; 25-22; 17-15. (CVOchoa)

Show comments