Staglets, Light Bombers nagwagi

Kapwa sinimulan ng nagdedepensang San Sebastian Staglets at ng Jose Rizal Light Bombers ang kanilang kampanya mula sa magkahiwalay nilang panalo.

Magaang na tinalo ng Staglets ang Perpetual Altalettes, 86-73, samantalang itinakas naman ng Light Bombers ang 75-72 panalo kontra sa datihang kampeong San Beda Red Cubs sa pagdribol ng 82nd NCAA juniors’ basketball tournament kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Tumipa si Ryan Buenafe ng 17 puntos, 7 rebounds, 2 assists at 1 steal upang ihatid ang San Sebastian sa 1-0 karta kasunod ang 11 marka at 12 boards ni Arvie Bringas.

"May mga adjustments pa kaming gagawin as the tournament goes on kasi marami kaming mga bagong players," wika ni mentor Raymond Valenzona sa kanyang Staglets, kumalawit ng kabuuang 61 rebounds kumpara sa 40 ng Altalettes.

Ang tagumpay naman ng Jose Rizal sa San Beda, pumangalawa sa San Sebastian noong nakaraang taon, ang siya nilang kauna-unahan matapos ang 25 taong paghaharap.

Isang 3-pointer ni Stefan Santos sa natitirang 14.1 segundo sa final canto ang siyang naging sandigan ng Light Bombers para sa kanilang 1-0 rekord.

Pinamunuan ni Carlo Lituania ang Jose Rizal galing sa kanyang 23 puntos, 6 steals, 3 rebounds at 3 assists kasunod ang tig-15 marka nina Joel Gabriel at Raycon Kabigting at 10 ni Santos. (R. Cadayona)

Show comments