Ayon kay Peñalosa, dating world super flyweight champion, nakasalalay sa kanyang ilalaban ang pagkakataong muling makahirit ng isang world title fight sa World Boxing Association.
"Siyempre, ayoko namang pakawalan itong pagkakataon na ito kung mananalo ako," wika ng 33-anyos na tubong Cebu City, kasabay ni Pacquiao sa pagsasanay sa boxing gym ng Amateur Boxing Association of the Philippines sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
Isa si Peñalosa sa mga Filipino fighters na nasa undercard ng upakan nina Pacquiao at Mexican Oscar Larios sa Hulyo 2 sa Araneta Coliseum.
Makakasagupa ni Peñalosa si Mexican Tomas Rojas sa super flyweight division.
Sakaling manalo si Peñalosa, kumpare ni Pacquiao, sa kanyang laban kay Rojas, posible siyang mabigyan ng title shot sa WBA na siyang pinaghaharian ngayon ni Japanese Nobuo Nashiro.
Nakatakdang itaya ni Nashiro ang kanyang WBA super flyweight crown laban kay Mexican challenger Martin Castillo sa kanyang balwarte sa Osaka, Japan sa Hulyo 22.
"Sana ipagdasal nyo ako na manalo ako sa laban ko sa July 2 para mabigyan ulit ako ng isa pang pagkakataon na makalaban sa world championship," ani Peñalosa. (Russell Cadayona)