Nigerian cager ng Lions pinayagan na sa NCAA

Pinayagan na ng Management Committee (MANCOM) ng National Collegiate Athletic Association ang San Beda College player na si Samuel Ekwe na makalaro sa 82nd men’s basketball tournament.

Nakapagpasa na ang Nigerian National ng mga kinakailangang dokumento para makapaglaro sa Mendiola-based team.

Ipinasa ng 21-gulang na exchange student na si Ekwe ang kanyang equivalent grades mula sa Commission on Higher Education (CHED). "San Beda beat the deadline and we were satisfied with what they submitted," ani MANCOM chairman Bernie Atienza ng host school College of St. Benilde pagkatapos ng meeting sa Ninoy Aquino Stadium kahapon matapos nilang ipagpaliban ang padedesisyon sa kasong ito noong nakaraang lingo.

Nakumpleto na ng 6-foot-8 center ang kanyang one-year residency sa San Beda at inaasahang malaking papel ang kanyang gagampanan sa kampanya ng Red Lions sa nalalapit na pagbubukas ng basketball competition ng NCAA sa June 24 sa Araneta Coliseum.

Inaasahang pupunan ni Ekwe, na nag-debut para sa San Beda sa 1st Philippine Olympic Festival, ang pagkawala ni Jerome Paterno para makatulong kay 2004 NCAA Rookie of the Year Yousif Aljamal.

Isang magarbong open-ing ceremony ang inihanda ng host school na sisimulan ng alas-12:00 ng tanghali na susundan ng opening game sa pagitan ng defending champion Letran at St. Benilde sa alas-2:00 ng hapon.

Susundan ito ng sagupaan ng Philippine Christian University at Mapua sa alas-4:00, San Sebastian College-Recoletos versus University of Perpetual Help DALTA System sa alas-6:00 ng gabi habang sa ikaapat at huling laro ay ang engkwentro ng Jose Rizal University at San Beda sa alas-8:00 ng gabi. (CVOchoa)

Show comments