Pinatunayan ni Pacquiao kung gaano siya kaseryoso sa ginagawang paghahanda sa nasabing laban na kahit wala pang gaanong tulog ay sumabak siya sa pagsasanay sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) gym sa loob ng Rizal Memorial Sports Center.
"Light workout lamang naman dahil kailangan para madaling mawala ang jet lag ko. Mga three to four days lang ay balik na ako sa normal kaya tamang tama na may 13 araw ako na dumating sa bansa bago sumabak sa laban," wika ni Pacquiao na kasama ng kanyang koponan sa pangunguna ni American trainer Freddie Roach ay dumating sa bansa galing ng US ganap na ika-4:00 ng umaga.
Mula sa sparring hanggang sa timbang niya sa nasabing laban ay kumpiyansa ang 27-anyos na tubong General Santos City na kanyang madaling malalampasan at nangako pa nga na underweight itong aakyat sa 130lbs fight limit nila ni Larios.
"Manny is in great shape and we are just trying to maintain this form until fightnight," wika ni Roach. "Hes very much focus and we are prepared for 12 hard rounds with Larios. But on my personal opinion, Manny will win by knockout in sixth round."
Sa planong inilatag ni Roach ay palalambutin nila ang dating world champion na si Larios sa unang apat hanggang limang rounds bago tuluyang talunin sa susunod na round.
"Ninenerbiyos ako kapag nakakarinig ng ganyan," tugon ni Pacquiao sa binitiwang pananalita ni Roach. "Basta ako walang prediksiyon. Alam kong mahusay si Larios at may respeto ako sa kanya. Gagawin ko lamang ang lahat ng makakaya ko at makaaasa ang sambayanang Pilipino na bibigyan ko sila ng kasiyahan."
Ngayon ay magsisimula uli ang puspusang pagsasanay na bubuksan sa pamamagitan ng road work sa Roxas Boulevard ganap na ika-5:00 ng umaga.
Bandang alas-sais ay ehersisyo upang mapatibay ang kanyang bodega ang magaganap at isang oras makalipas ay kakain ng almusal ang dating world champion.
Dahil ganap na ika-11:00 ng umaga itinakda ang laban nina Pacquiao at Larios kung kayat ang ensayo sa gym ay sa ganito ring oras inilagay.
Si Larios na kasalukuyan ay nasa Japan para magsanay ay darating sa bansa sa Hunyo 25. (LMConstantino)