"Sinagot na nga namin yan, naghihintay na lang kami ng desisyon. Yan kasing Brent, parang nang-iinis lang," ani PSC legal department chief Atty. Maribel Rodriguez.
Tumanggi naman si Rodriguez na magsalita pa tungkol sa direktang dahilan ng pagsasampa ng kaso ng Brent School gayundin kung bakit nagsumite ang PSC ng opposition laban sa isinampa ng naturang paaralan.
"Basta ang root cause niyan ay yung lease and ownership ng Ultra na na-resolve na ng PSC nung wala pa ako sa PSC."
Hindi rin itinanggi o kinumpirma ng PSC legal officer kung si PSC Chairman William Ramirez nga ang nag-withdraw ng pera mula sa Brent. Hindi rin nito masagot kung mayroong board resolution bago ang naturang cash advances.
"Pero alam naman natin na collegial body ang PSC board, kaya dapat meron nyan," pahayag ni Rodriguez.
Pinagpapaliwanag ng Pasig Regional Trial Court Branch 266 ang PSC top officials sa P10 million advance nito sa Brent International School na umanoy gagamitin sa 2005 Southeast Asian Games.
Kinukuwestiyon ng Brent ang kapangyarihan ni Ramirez na kuhanin ang "16 months advance rent."
Ang Brent International ay kasalukuyang umuupa sa PSC Building sa PhilSports compound sa Pasig.
"Were you authorized by defendant Philippine Sports Commission to file the Motion to Approve Payment of Advance Rental before Branch 266 of the Regional Trial Court of Pasig?" ayon sa apat na pahinang dokumento kasama pa ang 15 tanong.
Nagbayad ang Brent International ng P10M ayon sa hinihinging 16 buwang advance sa renta kung saan ang naturang halaga ay gagamitin umano sa pagtataguyod ng bansa ng 23rd Southeast Asian Games.
"Was the Ten Million Pesos you received from Brent actually disbursed by you for the 2005 Southeast Asian Games?" isa pang tanong ng Brent kay Ramirez, ayon sa dokumento.
May kasalukuyang 11 nangungupahan sa PhilSports Arena sa Pasig ngunit nakasaad sa dokumento ng PSC na apat rito, kasama ang Brent School, EDFITAP, Colombo Staff Plan College at ang Department of Education (DepEd), ay wala pang kontrata hanggang sa mga panahong ito.
Apat naman ang nagtapos na ang kontrata noong nakaraang taon at ngayong 2006 habang ang tatlo ay mapapaso sa pagitan ng 2007 at 2009.