Ang nakikita ng nakararami ay posibleng iindahin ni Larios sa sagupaan kung sakaling pilitin niyang makipagsabayan at makipagbasagan ng mukha kay Pacquiao.
Walang duda na mas mabilis si Larios kung magpakawala ng suntok at magiging bentahe niya ang height advantage para makapagpakawala ng mapaminsalang jabs.
Pero hindi na ordinaryo kay Pacman ang lumaban sa mas malalaki at ang kanyang hihintayin ay kung sakaling mainip na si Larios at magsimulang umatake.
Dito lalabas ang inaasahang bentahe ni Pacquiao dahil bihasa siyang lumaban sa mga gaya niyang super featherweight kumpara kay Larios na aakyat ng timbang.
Habang ang mga pamatay na suntok ni Larios ay ang kanyang bilis sa pagsuntok at lakas ng resistensya sa kabilang banda ang matitinding kaliwa at pasundot-sundot na hook gamit ang kanang kamay ang mga inaasahang gagamitin ni Pacquiao.
"Nobody slugs it out with Pacquiao without a taste of the Filipinos venom. Larios will be realizing that fighting in a heavier class means absorbing heavier blows," pahayag ng ilang observer sa laban.
Sa tindi ng parusang aabutin umano ni Larios ay marami ang naniniwala na hindi matatapos ang 12 rounds ay babagsak na ito. Sa kanilang tantiya ay hanggang walong rounds lang ang itatagal ng bakbakan.
Si Pacquiao ay inaasahang darating sa bansa ngayon habang si Larios ay sinasabing lalapag sa bansa sa susunod na araw.
Galing sa masusing pagsasanay si Pacquiao sa Wild Card Gym sa ilalim ni American trainer Freddie Roach at ipagpapatuloy niya ang paghahanda sa pag-aaring Wild Card Gym sa Sucat, Parañaque.
Si Larios naman ay nagpatigas sa Japan at bukod sa pisikal ay ikinondisyon din niya ang pagtanggap ng katawan sa mainit na klima na posibleng makaapekto sa ipakikitang laban. (LMC)