Sakit ng bata

Bagamat malaki ang naitutulong ng sports sa kalusugan ng mga bata, ang labis na paglalaro naman nito ay mas malaking kapinsalaang naidudulot. Sa Pilipinas at maging sa Estados Unidos, dumarami ang mga insidente ng mga batang masyado nang bugbog sa paglalaro, at nangangailangan ng manggagamot.

Anu-ano ang mga nagiging sakit ng bata kapag hinayaan nating gamitin ng husto ng kanilang mga varsity o mga koponan sa iba-ibang liga?

Heat Exhaustion, Heat Stroke, Dehydration. Nakita na sa mga pag-aaral na marami sa mga atleta natin ay dehydrated na bago pa man magsimula ang ensayo. Tandaan natin na mas mahinang magpawis ang mga bata kaysa sa mga adult, kaya kinakailangan nilang mainitan ng husto para pawisan ng maayos. Kundi, maaari silang mahilo, masaktan, o magkaroon ng problema sa iba-ibang internal organs.

Epiphyseal injuries. Ang madalas na banggaan ay nagbubunga ng lamat o bali sa dulo ng mga mahahabang buto. Ito ay dahil hindi pa buo o matigas ang mga "growth plates" sa buto ng mga bata. Karaniwan itong nangyayari kung sobra sa gamit ang bahaging iyon ng katawan. Kadalasan, ito ay nag-uugat din sa maagang pagsimula ng weight training.

Sever’s Disease. Ito ay sa dulo ng talampakan nakikita. Napipinsala ang lugar kung saan nakakabit ang Achilles tendon. Madalas itong nangyayari dahil sa sobrang pagtalon o pagtakbo.

Osgood-Schlatter’s Disease. Sakit sa tuhod na madalas nakikita sa mga football player, sa sobrang pag-unat ng paa pag sumisipa. Ang patellar tendon ay masyadong nahihila, at nagreresulta sa pamamaga, pananakit, at paglitaw ng isang bukol sa buto.

Thrower’s elbow. Kahawig ng ‘tennis elbow’, bagamat mas masama, lalo na para sa mga kabataan. Karaniwang natatagpuan sa mga golfer at javelin thrower. Maaaring magdulot ng permanenteng kapinsalaan.

Avulsion fracture. Ito ay pagkakapilas o pagkakapunit ng isang bahagi ng katawan sa pinagkakabitan niya. Delikado ito sa mga bata dahil mas mahina ang kanilang mga buto sa mga muscles at ligaments. Pag malakas ang pagkakahila, ang buto ang bumibigay. Madalas itong mangyari sa bahagi ng balakang o pelvic area.

Spondylolysis. Back fracture na nangyayari tuwing masyadong nabibigatan o napupuwersa ang likod. Ang halimbawa ng sport na dapat ingatan dito ay gymnastics, o ang butterfly stroke sa swimming.

Manmanan mabuti ang inyong anak kung may iniinda pagkatapos maglaro o mag-ensayo. Baka hindi alam ng kanilang coach o trainer ang nararamdaman ng bata.
* * *
Subaybayan ang programang The Basketball Show, ganap na alas-dos sa RPN-9.

Show comments