Sa lumabas na panayam kay Pacquiao sa boxing website, sinabi niya na nais niyang makalaban uli si Barrera upang maipakita sa lahat na kayang kaya niya ang pinagpipitaganang Mexican boxer.
"I would like to fight Barrera again to prove once and for all that Im the better fighter," wika ni Pacquiao.
Pero tiniyak din ng 27 anyos na kaliweteng si Pacman na hindi naman niya isinasantabi ang ikatlong laban nila ni Erik Morales bukod pa sa napipintong laban niya kay Oscar Larios sa Hulyo 2 sa Araneta Coliseum.
Nilinaw din ni Pacquiao na maayos ang kanyang ginagawang pagsasanay sa Wild Card Gym sa ilalim ni American trainer Freddie Roach at binanggit na 100% ang kondisyon ng kanyang pangangatawan kapag sumapit na ang takdang laban.
Mayroon pang 17 araw bago tuluyang idaos ang Pacquiao-Larios fight pero sa ngayon ay tumitimbang na ang dating world champion na si Pacquiao ng 134 lbs.
Matapos si Larios ay si Morales ang kanyang isusunod para sa ikatlo at posibleng huling laban ng dalawa. Naunang nanalo si Morales pero bumawi si Pacquiao upang itakda ang tila rubber match sa dalawang mahuhusay na mandirigma sa ibabaw ng ring.
"Morales has agreed to fight at 130 lbs. but the fight is in the works," wika ng tubong General Santos City boxer sa estado ng laban nila ni Morales.
Nakikita ni Pacman ang sarili na magtatagal pa sa super featherweight division dahil sa paniniwala niya na sa ngayon ay wala pang makakatapat sa kanyang angking bilis at lakas sa katimbang na boksingero. (LMC)