Ang naturang 6 produksyon ng 6-foot-6 na si Devance sa kanilang 63-78 pagyukod sa Game 2 noong Sabado ay nanggaling sa kanyang malamyang 2-for-16 field goals bunga ng mahigpit na depensa nina Robbie Reyes, Jerwin Gaco at Rico Maierhofer ng Harbour Centre.
Tabla sa 1-1, magsasalpukan ang Sparks at ang Portmasters sa mahalagang Game 3 ng kanilang best-of-five championship series ngayong alas-3 ng hapon para sa 2006 PBL Unity Cup Finals sa Olivarez College Sports Center sa Parañaque.
Sa nasabing panalo ng Harbour Centre ni coach Jorge Gallent, kumolekta si Joseph Yeo ng 25 puntos kasunod ang 16 ni LA Tenorio at 14 ni Chico Lanete, nabigong makaiskor sa kanilang 51-68 kabiguan sa Toyota Otis sa Game 1.
"We defended well and we rotated the ball with precision," sabi ni Gallent sa kanyang Portmasters, naghahangad na makuha ang kanilang kauna-unahang korona sa amateur league. "Hopefully, ganito rin ang maging laro namin sa Game 3."
Bukod kay Yeo, isa rin si Tenorio sa mga inaasahan ni Gallent na maglalaro ng maganda para sa Harbour Centre.
"Ginagawa ko lang naman yung role ko sa team. I make sure na lahat ng teammates ko nagiging effective din sa loob ng court," wika ng 5-foot-8 na si Tenorio, produkto ng San Beda Red Cubs at ng Ateneo Blue Eagles.
Sakaling manaig muli ang Portmasters sa Sparks sa Game 3, isang panalo na lamang ang kanilang kailangan upang tuluyan nang matikman ang kanilang unang titulo. (Russell Cadayona)