Halos dinomina ng Portmasters ang kabuuan ng laro sa pagbibida ni Joseph Yeo na tumapos ng game-high na 25-puntos tungo sa 78-63 panalo laban sa Sparks sa Game-Two kahapon.
"We played like kids the last time. We played as a team and we shared the ball well," pahayag ni Harbour Centre coach George Gallent.
Sumandal ang Port-masters kina Yeo at Chico Lanete na umiskor ng 11 sa kanyang tinapos na 14-puntos sa ikaapat na quarter na kinapalooban ng tatlong tres upang pigilan ang paghahabol ng Toyota-Sparks.
Nabaon ang Toyota ng 15-puntos, 42-57 ngunit sa pagtutulungan nina Aaron Aban at Boyet Bautista na kumana ng tres sa 12-3 run, nakalapit ang Toyota sa 54-60 papasok sa 6:54 minuto ng labanan.
Hindi mapigilan sina Lanete at Yeo na nanguna sa 13-4 produksiyon upang muling dumistansiya ang Portmasters sa 73-58, may 2:30 minuto na lamang ang nalalabing oras sa laro.
Bunga nito, ang serye ay umigsi sa best-of-three serye kung saan ang mananalo sa Game-Three sa Martes ay parang may twice-to-beat na sa serye. (Carmela Ochoa)