Nakipaglaban ng todo ang 30-anyos na tubong Mandaluyong City sa kanyang kalabang Intsik sa kaagahan ng labanan, subalit ang ilang krusiyal error sa tenth rack ang naging mitsa ng kanyang pagbagsak.
Naghahabol sa 4-5, nagkaroon si Manalo ng tsansa na maitabla ang iskor at kailangan na lamang niya na maipasok ang seven ball, bago ang nine ball.
Gayunpaman, tila hindi siya kinapitan ng buwenas ng ang cue ball ng 2005 World Pool semifinalist ay tumalon sa nine at bumagsak sa pocket para sa scratch. Walang sinayang na sandali si Li at agad niyang ipinasok naman ang nine para sa 6-4 bentahe.
Muling kinuha ng hindi mapigilang si Li, natalo kay Efren Bata Reyes sa finals sa Ho Chi Minh leg noong nakaraang buwan, ang sumunod na dalawang racks mula sa dry break ni Manalo sa 12th rack upang itala ang 8-4 kalamangan.
Ngunit, tumalbog ang sumunod na tira ni Li sa 8-ball sa 13th at nagawa ni Manalo na linisin ang lamesa gayundin sa sumunod na frame at nakalapit sa 8-6, bago napigil ang four ball ni Li na nagbigay pa kay Manalo ng pagkakataong makadikit sa isang puntos, 8-7.
Subalit tuluyan ng tinapos ni Li ang drama sa 16th rack nang gumawa ito ng halos perpektong layout na nagbigay daan sa Chinese na wakasan ang laban at umusad sa semifinals.
Makakaharap niya ang sinuman sa mananalo sa isa pang quarterfinal match sa pagitan ng reigning overall Tour champion Yang Ching Shun ng Chinese Taipei at Au Chi Wai ng Hong Kong.
Tanging dalawang Filipinos na lamang ang nalalabing buhay --ang first leg winner na si Reyes na nakatakdang makipagtumbukan kay Chao Fong Pang ng Chinese Taipei, habang makikipagsarguhan naman si Ramil Gallego sa 17-gulang na reigning World Pool champion na si Wu Chia Ching ng Chinese Taipei, habang sinusulat ang balitang ito.