Draw uli sa Pinoy chessers

Isinalba ni National Master Darwin Laylo ang kampanya ng RP woodpushers sa kabiguan ng kanyang pigain si FIDE Master Airidas Savickas matapos na yumukod ang top player ng bansa na si GM Mark Paragua kay GM Eduardas Rozentalis, matapos ang 44 sulungan ng Modern Benoni Defense at hatakin ng 35th-seed men’s team ang 2-2 draw laban sa No. 39th seed Lithuania sa pagtatapos ng fifth round noong Huwebes ng gabi sa 37th World Chess Olympiad sa Olympic Village sa Turin, Italy.

Nauna rito, nakipaghatian ng puntos si GM Eugene Torre, hawak ang mga itim na piyesa, sa kapwa niya GM na si Vidmantas Malisauskas matapos ang 40 sulungan ng Pirc Defense sa board two, habang nauwi rin sa draw ang laban nina GM Rogelio ‘Joey’ Antonio at IM Darius Zagorskis matapos ang 28 sulungan ng Sicilian Defense-Rosolimo variation sa board three.

Samantala, sa distaff side, tinalo nina rookie WNMs Catherine Pereña at Sherily Cua sina Maria Teressa Arnetta at Veronika Goi sa board one at two, ayon sa pagkakasunod upang trangkuhan ang 60th-seed women’s RP team sa 2.5-.5 panalo laban sa No. 70-seed at host country Italy-B.

Napuwersa naman si Marianna Chierici na makipaghatian ng puntos kay WIM Beverly Mendoza.

Show comments