Ayon sa Mexican media ay 4-1 favorite si Pacquiao laban kay Larios dahil na rin sa magandang record ng Filipino kontra sa mga Mexican boxers tulad nina Erik Morales at Marco Antonio Barrera at maging sina Gabriel Mira, Emmanuel Lucero at Hector Velazquez.
Kahit pa tumabla si Juan Manuel Marquez kay Pacquiao noong 2004 ay hindi pa rin makalimutan ng karamihan kung paano sumadsad ng tatlong beses si Marquez sa first round bago nakuhang iwasan ang kaliwang pamatay na kamao ni Pacquiao.
Malaking bagay din ang ginawa ni Pacquiao kay Morales noong Enero sa Las Vegas kung saan animoy isang tigreng nilapa ni Pacquiao ang isang usa na si Morales.
Subalit nangako naman si Rafael Mendoza, agent ni Larios na hindi basta-basta na lamang magigiba ni Pacquiao ang kanyang bata.
Ayon kay Mendoza, hindi ang Larios na hinang-hina ang haharap kay Pacquiao sa Big Dome dahil sa tamang-tama ang timbang na 130 lbs para sa Mexican puncher.
"Hindi magbabawas ng timbang si Oscar at itoy malaking pabor sa kanya dahil sa kadalasan ay mahina ito sa pagkuha ng timbang na 122 lbs. Dahil nga 130 ang limit ay hindi dadaan si Larios sa hirap," wika ni Mendoza.
Nakatakdang dumating sa Maynila si Larios isang linggo bago maglaban. (JMM)