Nakarating sa semi-final round ng mixed doubles ang Asuncion tandem nang kanilang igupo ang Indonesia duo na sina Puri Setyo at Lili Wang, 21-12, 21-19 sa round-of-8 ng event na ito na hatid ng PLDT Business Solutions.
Sibak na ang lahat ng Pinoy entries sa mens singles, ladies singles at ladies doubles sa torneong ito na suportado ng The Philippine Star kaya sa magkapatid na Asuncion na lamang nakasalalay ang karangalan ng bansa na nag-host sa kauna-unahang pagkakataon ng four-star event na ito.
"We look at positively instead of feeling pressured we thought of doing better," pahayag ng nakatatandang si Kennie, 29-gulang.
Naging magaan ang laban para sa Pinoy tandem sa unang set ngunit naging mabigat ang hamon sa sumunod na frame nang malamangan sila ng mga Indons ng 8-2.
Umiskor ng pitong sunod na puntos ang magkapatid na Asuncion sa mahusay na placing ni Kennevic para agawin ang kalamangan sa 10-9.
Bigatin ang susunod na kalaban ng mga Asuncions na haharap sa fifth seed pair mula sa Indonesia na sina Tri Kusharjanto at Minarti Timur na sumilat sa top seed Thais na sina Songpol Anukritayawan at Kunchala Vorawichitchakul, na silver medalists noong 2000 Sydney Olympics, sa iskor na 21-18, 21-18.
Samantala, umagaw ng eksena si Saina Nehwal, ang 16 anyos na mula sa Hyderabad na sumilat sa top seed na si Xu Huaiwen ng Germany, 12-21, 21-17, 21-17, isa pinakamalaking upset at umabante sa semis ng womens singles. (Carmela Ochoa)