Unang nakipag-draw ang top ranked player ng bansa na si GM Mark Paragua sa kalabang si IM Alexander Cuartas matapos ang Bishop pawn endgame sa 52 sulungan ng Sicilian Defense-Nardorf variation sa board one.
Ito ay sinundan ng pakikipagtabla naman ni GM Eugene Torre sa kalabang si IM Alder Escober matapos ang 37 moves ng Slav Defense.
Nauwi rin sa hatian ng puntos ang sagupaan nina GM Rogelio Joey Antonio at IM Sergio Barrientos matapos ang 32-moves ng French Defense-Winawer variation sa board three, habang tinanggap naman ng 12-anyos FM na si Wesley So ang alok na draw ng kapwa niya FM na si Rafael Mendoza matapos ang 28 sulungan ng Bishop Opening.
Sa kabilang dako, pinataob nina WIM Dana Aketayeva at Gulmira Dauletova sina WFM Sheerie Joy Lomibao at WIM Beverly Mendoza sa board one at three, ayon sa pagkakasunod, habang isinalba naman ni Catherine Pereña ang pagkabokya ng Pinay chessers matapos na makipag-hatian ng puntos kay WIM Sofya Zigangirova sa board two.