Apat na gintong medalya ang pinitas ng 14-anyos na si Bermas sa archery upang maging kauna-unahang student athlete na humakot ng pinakamaraming gintong medalya sa 2006 Palarong Pambansa kahapon dito sa Metro Naga Sports Complex.
Pinamahalaan ng anak ng isang jeepney driver ang mga labanan sa secondary girls Standard (621) 50-meter (293), 30m (328) at sa Olympic round (104).
Sa swimming, sinikwat ni Jasmine Al-Khaldi ng NCR ang kanyang pangalawang gold medal matapos kunin ang elementary girls 100m freestyle sa bilis na 1:06.60.
Maliban kay Al-Khaldi, nag-reyna sa 50m butterfly noong Martes, ang iba pang nanalo ay sina Matthew Tano ng NCR sa secondary boys 100m freestyle (56.80), Angelo Miguel Carandang ng NCR sa secondary boys 200m breaststroke (2:35.36), Joshua Acain ng Region X (NMRAA) sa elementary boys 50m breaststroke (33.32) at Jessie Khing Lascuna ng Region III (CLRAA) sa elementary boys 100m freestyle (1:02.04).
Ipinakita naman ng Region VI (WVRAA) ang kanilang kakayahan sa athletics competition nang tumubog ng limang gintong medalya sa likod nina Gwendolyn Narciso sa elementary girls 400m hurdles (1:10.1), Ma. Dela Paz Banebane sa secondary girls 400m hurdles (1:05.0), Jossie Entrina sa secondary girls shot put (8.3m), Luville Datoon sa secondary girls long jump (5.35m) at Rey Dennis Baccay sa secondary boys discuss throw (37.0m).
Siningil ng 17-anyos at 5-foot-10 na si Baccay, nagtapos sa Balibagan Catholic College sa Negros Occidental, ang kanyang pangalawang gold medal matapos pagharian ang shot put event noong Martes.
Bunga ng naturang mga panalo, nakuha ng Region VI (WVRAA) ang pangunguna sa secondary level mula sa itinalang 118 puntos kasunod ang 113 ng NCR, 92 ng Region IV-A (CALABARZON), 72 ng Region VII (CVRAA), 47 ng Region V (BRAA) at 33 ng Region IX (DAVRAA), habang ang NCR ang namumuno sa elementary division sa nakolektang 126 sa itaas ng 99 ng Region IV-A (CALABARZON), 46 ng Region VII (CVRAA), 39 ng Region IX (DAVRAA), 38 ng Region VI (WVRAA) at 28 ng Region X (NMRAA).
Nabasag naman ang 2005 mark na 57.1 segundo ni Marlon Arlos ng Region VI (WVRAA) sa secondary boys 400m hurdles. Kinuha ni Jorge Pinanonang ng Region VII (CVRAA) ang ginto sa kanyang 55.7 tiyempo kasunod sina Rongie Abing (55.8) ng National Capital Region (NCR) at Joemelo Estocado (56.7) ng Region V (BRAA) para ibasura ang rekord ni Arlos.
Humugot rin ng gold medal sina Emmanuel Delos Angeles ng Region V (BRAA) sa secondary boys long jump (6.31) at Wilson Jan Dela Pena ng Region X (NMRAA) sa elementary boys 400m hurdles (1:01.8). (Russell Cadayona)