Naging malungkot ang buhay ni Nani sapul nang matapos ang career nito bilang basketbolista.
May tatlong taon na ang nakakalipas nang huli kong makita si Nani sa Sta. Lucia East Mall nang hindi sinasadya at doon nagkawentuhan kami ng saglit. Nakasuot ito ng uniporme ng security guard kaya hindi ko na tinanong kung anong trabaho niya dahil obvious naman sa kanyang suot.
Siguro nahihiya din siyang magkuwento tungkol sa kanyang buhay kaya naging masaya pa ang aming kuwentuhan.
Noong napanood ko lang nalaman ang malungkot na pangyayari sa kanyang buhay.
Ang hindi ko lang maintindihan, mas nakatulong pa sa kanya ang Wish Ko Lang program kung saan nagbigay ng magiging hanapbuhay at matitirahan ni Nani at ng kanyang pamilya.
Nakakalungkot isipin na hindi man lang siya natulungan ng kanyang mga dating team sa PBA. Hindi ko rin alam kung nakakuha siya ng benepisyo sa PBA Players Union.
Pero magkagayunman, hindi pa naman siguro huli ang lahat para sa tulong na ito.
Di ba Nani?
Marami kasi ngayong players na hindi tinitingnan ang kanilang magiging kinabukasan.
Marami ang nagpapabaya at hindi nag-iipon para sa future nila. Hindi nakakasiguro ang mga basketbolista kung hanggang ilang taon silang tatagal sa paglalaro. Kasi nga kung hindi ka maagang ma-iinjured malamang na mapalitan ka agad dahil sa dami ng mga bagong nag-uusbungang kabataang players na makukuha ang bawat team. Suwerte na ang players sa ngayon kung tumagal ng tatlo hanggang limang taon.
Sey nyo?
Nasa bawat individual na lang siguro ito.
Ano sa palagay nyo?