O ang mas magandang tanong ay kung may ibubuga ba ang Pilipinas Basketball, isang selection team mula sa PBA national pool na inihahanda ni coach Chot Reyes para sa nalalapit na Asian Games na gaganapin sa Doha, Qatar.
Nakatakda ang sagupaan ngayon ng NBA Legends na babanderahan ng tinaguriang bad boy ng NBA na si Rodman na inaasahang magpapaka-bad boy sa kanilang pakikipagharap laban sa PBA team sa alas-5:30 ng gabi sa Araneta Coliseum bilang main event ng Bad Boy Tour.
Kasama ni Rodman na susubok sa kakayahan ng national team ni Reyes ang mga NBA legends na sina Otis Birdsong, Sidney Moncrief, Darryl Dawkins at Hall-of-Famers Alex English at Calvin Murphy.
Ngunit ang mga standouts ng NBA Development League na siyang nagbida sa pagdurog ng mga bisitang team sa San Miguel All-Stars noong Huwebes ng gabi sa Mandaue, 124-94 ang inaasahang magiging tinik sa lalamunan ni Reyes.
Maganda ang ipinakita ni Olu Famutini sa kanyang ibat ibang slam dunks para sa kanyang 33 points, nag-ambag naman si Myron Allen ng 25 at nagsumite naman si Chad Wilkerson ng 18.
Bukod pa rito, inaasahan din ni Reyes na may kakayahan din sina Kareem Reid na nagbigay daan kina Famutini, Allen at Wilkerson.
Bukod kay Asi Taulava, inaasahang sasandal din si Reyes sa dating MVP na si Willie Miller, Alaska standout Nic Belasco at Mike Cortez, Air21 gun-slinger Ren-Ren Ritualo, Talk N Text guard Jimmy Alapag at Magnolia ace Kelly Williams.
Bagamat malaking hamon ang haharapin ng national squad, inaasahang magbibigay sa kanila ng lakas ang suporta ng mga local fans na siguradong aabangan ang pagiging Bad boy ni Rodman.