Eligible na raw ang mga tulad nina Joseph Yeo, Jun-jun Cabatu, Ryan Araña at Joseph Casio. Kung mababakante sila ng isang taon at magbabalik sa 2007, baka kalawangin sila. So, kung eligible na rin lang sila para umakyat sa PBA, mas makabubuti sa kanilang mag-apply sa draft.
Sa tutoo lang, ang apat na itoy puwedeng mapakinabangan ng kahit na anong PBA team.
Sinasabing si Cabatu, na isang second generation player, ay malamang na iakyat ng Welcoat Paints na bumili ng prangkisa ng nag-disband na Shell Velocity. Si Cabatu ay kasalukuyang naglalaro sa Rain or Shine sa PBL Unity Cup.
Si Casio ay isang point guard na naglalaro naman sa Toyota Otis. Kung mag-aapply siya sa Draft, baka makursunadahan siya ng ilang teams na naghahanap ng matinding court general. Kasi nga, sa ngayon ay si LA Tenorio, na tapos na ang playing years sa Ateneo, ang siyang may pinakamatunog na pangalan sa mga amateur point guards. At least, may pagpipilian na ang mga PBA teams kung saka-sakali.
Si Araña ay isang hard-nosed player. Bagamat undersized siya, palaban sa rebounds ang batang ito at "may nose for the ball". Bukod dito ay matinding scorer itong si Araña na discovery ni dating FedEx coach Bonnie Garcia. May ilang PBA coaches na nagsasabing pwedeng-puwede ang estilo ni Araña sa pro league.
Natural, si Yeo ay magiging prized find ng kahit na anong PBA ballclub. Ang tanong nga lang ay kung papayagan siya ng PBA na lumahok sa Draft. Kasi ngay nagkaroon ng kaso si Yeo sa PBA nang makipagsapakan siya kay Enrico Villanueva sa Dream Game ng La Salle at Ateneo noong Disyembre.
Magugunitang sa Dream Game na iyon kung saan pinayagan ng PBA na maglaro ang mga pros kasama ang ilang collegiate strars ng magkabilang eskuwelahan ay nakaldag ni Villanueva sa isang rebound play si Yeo at gumanti ito. Nagkaroon tuloy ng free-for-all.
Sinabi ng PBA na magpapataw sila ng sanction kay Yeo dahil sa kaguluhang iyon. Hindi natin alam kung tama iyon dahil hindi naman saklaw ng PBA si Yeo.
Pero kung papasok si Yeo sa Draft at may sanction nga ang PBA, may susugal ba sa kanya?
Siguro naman ay may susugal kay Yeo.
Pero teka, hind ibat humingi na ng paumanhin si Yeo sa PBA? Baka naman sapat na iyon para tanggapin na siya sa Draft. Tutal ay malaki din naman ang mai-aambag ni Yeo sa PBA kung saka-sakaling maglaro na ito ng pro basketball.
At may nagsasabing maganda kung ang Red Bull mismo ang kukuha sa kanya para magkasama sila ni Villanueva. Malaking istorya iyon kung saka-sakali.