Nilabas kahapon ng pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ang kanyang hinanakit sa pagsisiwalat ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang cash advances na nagkakahalaga ng P1.9 milyon.
"I think PSC is doing the right procedure. Tama naman sila na kapag there is no liquidation, no financial assistance. I agree with them but I dont think they should publish the cash advances of these NSAs," ani Go kahapon. "Parang lumalabas na ang gandang lalaki ng PSC eh, yung mga NSA puro nakaw."
Partikular na kinondena ni Go ang patuloy na pagbubulgar ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy sa cash advances ng PATAFA.
Dahilan sa P1.4 milyon pang cash advances ng athletics association sa sports commission, tinanggihan ng huli ang financial request na P1.4 milyon ng una para sa pamamahala sa 2006 National Open Invitational Championships.
Nakatakda ang naturang international event sa Mayo 4-7 sa Rizal Memorial Track Oval.
Hiniling ni Go sa PSC na makipag-usap sa mga NSAs upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan kaugnay sa cash advances ng mga ito.
"They have to talk to the NSAs and find out from them what is going on and extend their helping hand," sabi ni Go. (Russell Cadayona)