Tampok na panalo ang kinuha ni Z "The Dream" Gorres nang kanyang pataubin sa loob ng 12 round si Waenpetch Chuwatana upang angkinin ang bakanteng OPBF super flyweight title.
Ipinamalas ng 23-anyos na kaliweteng boxer na tubong Cebu na hindi niya kapantay ng husay ang 33-anyos na dating kampeon na si Chuwatana nang bugbugin niya ito sa lahat ng rounds para sa unanimous decision na panalo.
Si Pinit Prayadsad na kababayan pa ni Chuwatana ay kumbinsidong panalo si Gorres nang bigyan niya ng 118-109 score para kay Gorres habang ang Pinoy na hurado na si Salven Lagumbay ay naggawad ng 119-107 at ang referee judge na si Bruce McTavish ay nagbigay ng 120-106 score.
Ang panalo ay nag-akyat sa walong sunod sa pagpapanalong naitala ni Gorres matapos mauwi sa tabla ang laban niya kay Randy Mangubat noon pang 2004 at naiangat sa 23 panalo sa 25 laban kasama ang 12 KO.
Sa kabilang banda, si Chuwatana na kampeon ng dibisyon noong 2004 ay nalasap ang unang kabiguan sa dalawang laban sa taong ito at nalasap ang pangwalong kabiguan sa 33 laban sa boxing career na nagsimula noon pang 2000.
Si Gorres kasama si Rey Boom Boom Bautista na iprino-promote ng Dela Hoya Promotions ay pinangakuan na lalaban bilang undercard sa laban nina Marco Antonio Barrera at Rocky Juares sa Staples Center sa Mayo 20.
Kung matuloy ito, lalabas na pangatlong laban ito ni Gorres sa US matapos ang pagharap niya kay Glenn Donaire sa MGM Grand noong Marso 2003 at kay Jose Alfredo Tirado sa Orleans Casino Las Vegas nito lamang Pebrero.
Hindi naman nagpahuli sina Czar Amonsot at Ala Banal na pinulbos ang kambal na Thais na sina Decho at Dechapol Bankluagym.
Si Amonsot, na kampeon sa WBO Asia Pacific Super featherweight division ay umani ng unanimous 10 rounds decision panalo kay Decho para isulong sa pito ang pagpapanalo at pang-15 sa 17 laban.
Si Banal naman ay pinatulog si Dechapol sa loob lamang ng isang round.
Sa iba pang resulta, nagwagi si Jojo Bardon kay Rocky Fuentes sa split decision upang kunin ang bakanteng RP flyweight title. (LMC)