"Im very surprise that we are 3 and O specially against three-top teams. We were able to beat three tough teams. Somehow, there is somebody up there that is taking care of us," pahayag ni Favis matapos ang 80-72 pamamayani laban sa Purefoods Chunkee kagabi sa Araneta Coliseum.
Unang naging biktima ng Tigers ang Air21, 104-88 noong opening day, Marso 5 at sinundan ito ng 81-69 pananalasa kontra sa Alaska at ngayon ay ang San Mig Coffee PBA Fiesta Conference runner-up na nagsulong sa kanila sa pansalamantalang pamumuno taglay ang 3-0 record para makakalas sa dating kasosyong defending champion na Barangay Ginebra na naiwan sa 2-0 kartada.
Ngipin sa ngipin ang naging labanan ng magkapatid na kumpanya ngunit nagawang makakawala ng Tigers sa ikaapat na canto upang ibagsak ang Purefoods sa 1-1 record.
Mula sa 54-pagtatabla ng iskor, nagtulong-tulong sina Dale Singson, Rob Wainwright at Rafi Reavis upang makalayo sa 66-56 bago nila naitala ang pinakamalaking kalamangan na 72-61.
Pinangunahan ni Dennis Miranda ang Coke sa pagkamada ng kanyang bagong career-high na 20-puntos na napakalayo sa kanyang pinakamalaking produksiyon na 10-puntos upang lukuban ang pagkalimita ni Ali Peek na nagtala ng all-time record para sa perfect shooting na12-of-12, sa 10-puntos lamang mula sa kanyang 3-of-9 attempts habang tumulong naman sina Reavis at William Antonio na may 15 at 14-puntos ayon sa pagkakasunod.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Alaska (1-1) at Red Bull (0-1).
Samantala, inaasahang mainit na pagsalubong ang tatanggapin ng PBA mula sa libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong sa Linggo sa pagdaraos ng unang out-of-the-country ng liga kung saan nakatakdang magsagupa ang Purefoods at Talk N Text na gaganapin sa Queen Elizabeth Stadium.
"This is our way of thanking our thousands of OFW fans in Hong Kong. Were bringing to them no less than the exciting brand of basketball the PBA has been known for," sabi ni commissioner Noli Eala, ukol sa larong inihatid ng Talk N Text sa pamamagitan ni owner Manny V. Pangilinan sa pamamagitan ng kanilang Smart Global, sa tulong ng Magic Sing at Cebu Pacific. (Carmela Ochoa)