Isa sa dahilan ng pagtanggi ng HBO na ituloy ang laban ay ang sinasabing precarious situation ng bansa na tinutukoy ang bigong coup attempt at ang pagdeklara ng Pangulo sa national state of emergency, na tinanggal na kamakailan.
Ayon sa ulat, magpapalabas ng official statement ang HBO sa mga susunod na araw kung matutuloy o hindi ang laban na ito ng Pinoy ring icon na nakatakda sa Mayo 20 sa Araneta Coliseum, na isang tuneup match sa inaasahang rematch niya kay Erik Morales sa Setyembre.
"The Larios-Pacquiao fight is 99 percent off because HBO does not want to risk to travel and work under unstable condition," anang handler ni Larios na si Rafael Mendoza sa pahayagang La Opinion.
Inaasahan namang makikipag-negosasyon ang Los Angeles lawyer na si Nick Khan, miyembro ng Team Pacquiao USA management group na binubuo nina Shelly Finkel at Keith Davidson sa mga bigating opisyal ng HBO para ipaliwanag ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa matapos na ito ay personal na nagtungo dito sa Pilipinas upang i-check ang kalagayan ng bansa.
Sa katunayan, na-impress si Khan sa venue at nangakong sasabihin niya sa mga HBO officials na nagbalik na sa normal ang sitwasyon ng bansa. Katunayan, kumuha pa si Khan ng mga larawan at videos ng Maynila para ipakita sa mga taga-HBO.
"Although anything can happen in boxing, HBO has decided that it will not transmit the fight under such uncertain working condition," ani Mendoza. Idinagdag pa nito na sinabi umano ni Pacquiao na hindi mahalaga sa kanya kung ayaw magtungo ng HBO sa Pilipinas dahil naayos na niya ang laban sa Hunyo o Hulyo nang wala ang HBO.
"But to us, it (HBO) is very important because Larios needs the exposure. Besides the market would no longer be the same without HBO," dagdag ni Mendoza.
Sa mga nagdaang linggo, naiselyo na ni Pacquiao ang isang deal sa ABS-CBN sa pagtatanghal ng kanyang laban kontra sa dating WBC super bantamweight champion na nakatakda sa July 2 sa Big Dome.
Ayon pa sa ulat, tatanggap si Pacquiao ng $1 million sa naturang laban na ikalawa sa pinakamalaking boxing fight na itatanghal sa Big Dome, matapos ang klasikong Al-Frazier clash noong 1975.