Nagpamalas ng eksplosibong laro si Arigo na tumapos ng 28-puntos upang pamunuan ang Tigers na sinegundahan naman ni Peek ng 21 puntos para sa buwenamanong panalo ng Coca-Cola sa ikalawang kumperensiyang ito ng 2005-2006 season ng PBA.
"John (Arigo) and Ali (Peek) stepped up big time. Its not only how they scored but they created opportunities for their teammates to get involved," pahayag ni coach Binky Favis na nasa kanyang ikalawang kumperensiya na pagko-coach sa Tigers.
Buhat sa 70-pagtatabla ng iskor sa huling bahagi ng ikatlong quarter, kumawala ang Tigers upang knin ang 77-70 pamumuno papasok sa final canto na lalo nilang pinalawig sa pangunguna ni Arigo na kumayod ng siyam na puntos.
Humataw si Renren Ritualo ng 14 sa kanyang tinapos na 29-puntos para sa Air21 sa ikatlong quarter ngunit wala siyang nakatulong sanhi ng kanilang pagkulapso.
Bukod kina Arigo at Peek, ang iba pang naka-double figure ay sina Billy Mamaril na may 14-puntos, Dennis Miranda na may 12-puntos at Dale Singson na nagtala ng 10 puntos.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang San Miguel Beer at Alaska bilang main game kagabi. (Carmela Ochoa)