Ano ang silbi ng Sports?

Nakita na naman nating nalubog sa dilim ang ating bansa. Muli na namang umapaw ang himutok ng mga masang nagpaparamdam na sila’y napapabayaan, naaapi, naghihirap, nawawalan ng tiwala sa mga awtoridad.

Sa mga panahong ganito, ang tanong ng ilan, ano pa ba ang silbi ng sports? 

Sa mga panahong tulad nito, tila napipigilan ng pulitika at kilos-protesta ang pag-inog ng mundo ng sports.

Pero noon, baliktad. May kapangyarihan ang sports na patiligin ang anumang di-pagkakaunawaan. 

Noong mga sinaunang panahon, tumitigil ang digmaan tuwing may Olympiada, at mapayapa ang lahat ng bansang lahok dito.

Nakakatawang isipin na ang pag-aayaw ay kayang pigilan kahit anong oras, parang commercial sa telebisyon. Kaakibat nito, ginagamit ng mga pinuno ng Rome--ang mga cesar -- ang istratehiyang "bread and circuses" tuwing naghihirap ang mga tao’t gusto nang mag-aklas.

Namimigay sila ng tinapay para di masyadong magutom ang mga tao, at pagkatapos ay ipinaglalaban nila ang mga gladiator, parang boksing sa mga panahon ngayon. 

Ngayon naman, napipigilan lamang ang krimen tuwing may laban si Manny Pacquiao. 

Noong inikot ang mundo ng mga Harlem Globetrotters, maging ang  mga digmaan ng magkatabing bansa ay tinitigil para mapanood sila.

Magkabilang panig ay maaaliw, at pagkasakay ng mga bisita sa eroplano nila papaalis, tuloy na naman ang putukan.

Noong panahon naman ng Great Depression, ang boksing at basketbol ang pang-aliw ng mga tao, at hanapbuhay ng mga walang makuhang "tunay" na trabaho. Subalit, sa harap ng nakalulumpong kahirapan, doon lumitaw ang napakaraming magagaling na boksingero, tulad ni Pancho Villa. 

Ano ba ang halaga ng sports sa bansang nagugutom? Marahil mahirap isipin ang paglalaro pag kumakalam ang sikmura, pero sa pinakamasamang paghihirap umangat ang pinakamahuhusay na atleta ng ibang bansang komunista. Tignan lang natin ang kasaysayan ng China, Soviet Union at Cuba.

Habang naghihirap, lalong nagtatagumpay sa sports. Nadarama ba ng sports ngayon ang suliraning pampulitika? Tila hindi gaano. Kahapon, natuloy ang tune-up game ng Coca-Cola Tigers at Sta. Lucia Realtors.

Walang pahayag ang World Wrestling Entertainment na hindi matutuloy ang kanilang palabas.

Tumulak ang ating international referee (at pulis) na si Ver Abainza papuntang Japan para sa isang World Boxing Association title fight.

Sa isang malawakang e-mail, pinasabi ng Ateneo Basketball League na tuloy ang laro nila sa pitong gym sa buong weekend.

Ang ABL ay liga ng 151 koponan ng mga alumni ng Ateneo. Baka may mga magsabing manhid naman ang mga ito. Subalit ano pa ba ang dapat gawin, magmukmok? Makigulo sa EDSA? 

Ang pinakamainam gawin ay ituloy ang lahat ng tungkulin, at itaboy sa isipan ang anumang masama. Lahat ng ito ay lilipas din.

Tuloy ang buhay.

Show comments