Isa pang Pinoy boxer sasabak

Sa suwerteng tinatamasa ng mga Filipino boxers na lumaban ngayong taon sa labas ng bansa, hindi malayo na magkaroon ng lehitimong Filipino world champion ang bansa sa Marso.

Ang posibleng makapaghatid ng naturang karangalan sa bansa ay si Diosdado "The Prince" Gabi na siyang pinili ni Vic Darchinyan ng Australia na challenger sa kanyang IBF flyweight title.

Ang labanan sa pagitan ng Australian champion at Filipino challenger ay itinakda sa Marso 3 sa Chumash Resort Casino sa Santa Ynez, California na kung saan tanging ang IBF title lamang ang itataya ni Darchinyan. Maliban sa boxing body na ito, ang dayuhan ay kampeon din sa International Boxing Organization (IBO).

Ito ang ikatlong pagkakataon na mapapalaban si Gabi sa isang world title fight pero di maganda ang resulta sa naunang dalawang laban nang matalo siya sa mga Thai boxers na sina Samson Dutch Boy Gym at Sot Sor Verapol.

Kapwa umani sina Samson at Verapol ng decision panalo kay Gabi upang maunsiyami ang pakay sanang kampeonato sa WBC super flyweight noong 2001 at WBC Asian Boxing Council super flyweight noong 2002.

Pero matapos ito ay umani ng 13 sunod na panalo ang 26 anyos na tubong North Cotabato na si Gabi para makalikom ng kabuuang 26 panalo 2 talo at isang draw kasama ang 18 KOs.

Sa kasalukuyan ay rated number four si Gabi sa dibisyong pinaghaharian ni Darchinyan na tinaguriang "Raging Bull" dahil hindi pa ito natatalo sa 24 na laban na kung saan 19 rito ay sa pamamagitan ng KO.

Show comments