Sinabi kahapon ni Eala na totoong nais bilhin ng Paint Masters, isa sa aktibong koponan sa Philippine Basketball League (PBL) na kasalukuyang nagdadala ng pangalang Rain or Shine Elasto Painters, ang prangkisang pansamantalang iniwan ng Shell.
Sa katunayan, noon pang Disyembre nagnenegosasyon ang Welcoat at Shell ukol sa prangkisa ng Turbo Chargers na nag-leave-of-absence sa liga dahil hindi pa sila tiyak kung tuluyan na silang magdidisbanda.
Ngunit dahil sa matinding interes ng Paint Masters na mabili ang prangkisa at matupad ang kanilang pangarap na makapasok sa pro-league, matutuloy na ang planong pagdidisbanda ng Shell.
Noong December 29, 2005, lumiham ang dating Shell Board of Governor na si Bobby Kanapi kay Commissioner Eala upang ipagbigay alam ang kanilang intensiyong ipasa sa Welcoat ang kanilang prangkisa na nabigo nilang ibenta sa Harbour Centre bago sila nag-leave-of-absence.
Inaprobahan na ng PBA Board ang kahilingan ng Shell at kasalukuyan nang nasa kasagsagan ng negosasyon ang Turbochargers at Paint Masters na pagmamay-ari nina Raymund Yu at Terry Que.
"We welcome the move of Shell to transfer its franchise to a respected organization like Welcoat. While the process has been started for the transfer, formal discussions are still ongoing," pahayag ni Eala.
Gayunpaman, wala pang tiyak na kondisyon sa pagsasalin ng prangkisa ayon sa PBA.
"These are very sensitive matters that we would like to carefully study before we confirm or deny," dagdag ni Eala.
Nakaugalian nang payagan ang mga papasok na teams mula sa PBA na magbitbit ng kanilang mga players mula sa amateur team ngunit kailangan pa itong desisyunan ng PBA Board.(CVOchoa)