Morales may plano na; Pacquiao tahimik lang

LAS VEGAS – Ipinarating ni Erik Morales sa press conference noong Miyerkules kung papaano niya tatalunin si Manny Pacquiao sa kanilang rematch sa Sabado sa Thomas and Mack Center dito.

"I will lead him on. Then what I want to happen on the ring will happen," ani Morales na pinalibutan ng mediamen na pinilit pigain ang lahat ng impormasyon mula sa kanya.

Sinabi ni Morales na plano niyang gamitin ang kanyang matigas na left jab para hindi makaporma si Pacquiao gaya ng kanyang ginawa para iposte ang unanimous victory sa kanilang unang pagkikita noong March 2005 sa MGM Grand.

Sa katunayan ay binantaan rin ng Mexican fighter si Pacquiao tungkol dito.

"He’s got to be careful because it’s really quicker this time," aniya nang papatapos na ang press conference, kung saan dalawang metro lamang ang layo sa kanya ni Pacquiao na nakikipag-usap sa kanyang mga American handlers.

Napansin ni Morales sa kanilang unang laban na hindi naidedepensa ni Pacquiao ang kanyang sarili o gumawa ng adjustments kapag sinusugod na ito ng kalaban.

Kilala si Pacquiao bilang ‘aggressor.’

"Everytime he is pushed back it seems to be that he doesn’t know what to do. I’m completely ready for Saturday," ani Morales, na umaming lagpas pa rin ito ng 1 1/2 pound sa 130 lb limit.

Ang official weighin ay nakatakda sa Biyernes sa Margaux Ballroom ng Wynn Las Vegas. Sa ilalim ng contract, ang fighter na sobra sa limit ay magmumulta ng $250,000 per pound.

Inaasahan ng promoter ni Morales’ na si Bob Arum ng Top Rank, na giyera ang magaganap sa Morales-Pacquiao bout.

Hindi nagsalita si Pacquiao ukol sa kanyang plano sa laban sa press conference. Bagkus ay pinasalamatan lamang niya ang mga sumusuporta sa kanya kasama ang media at lahat ng pulitiko mula sa Pilipinas na nagtungo rito para manood ng kanyang laban.

"I also thank our president (Gloria Arroyo) for her support," sabi ni Pacquiao na walang balak sabihin ang kanyang plano sa laban. (Ni Abac Cordero)

Show comments