Subalit hindi natin alam ang mga panganib na kakambal ng pagiging isang boksingero.
Balikan natin ang isang pangyayari na nagbago sa mukha ng boksing. Si Duk Koo Kim ay isang Koreanong lightweight na boksingero na nagwagi ng 13 sunod na laban. Dahil dito, ipinares siya kay World Boxing Association lightweight champion Ray "Boom Boom" Mancini. Ang problema lang ay walang karanasan si Kim sa 15-rounders. Di niya alam na pagbabayaran niya ito ng kanyang buhay.
Sa ika-14 na round, napatumba na ni Mancini si Kim. Bumangon ito, ngunit halatang wala nang ibibigay. Di nagtagal ay tinigil ang laban.
Makaraan ang ilang minuto, nawalan ng malay si Kim. Inoperahan siya sa utak, subalit Namatay rin siya pagkatapos ng limang araw.
Nayanig ang buong mundo ng boksing. Iniklian ang mga laban sa kasalukuyang 12 rounds, at pinahigpitan ang mga medical check-up sa mga boksingero. Pagkalipas ng ilang buwan, nagpakamatay ang referee ng laban na si Richard Greene. Sinundan ito ng pagpapatiwakal ng ina ni Kim. Nawalan na rin ng gana si Mancini, at maagang nagretiro matapos ang ilang laban.
Marami pang ibang kapinsalaang nadudulot ang laro ng boksing. Ang five-time world champion na si Sugar Ray Leonard ay dalawang beses nang nabiktima nito. Sa 1976 Olympics, nadiskubre ng brodkaster na si Howard Cosell na nakuha ni Leonard ang gintong medalya na bali ang kanang kamay mula sa una pa niyang laban.
Naging mabangis na pro si Leonard. Subalit noong 1982, natagpuang mayroon siyang detached retina. Kung ipinagpatuloy niya ang boksing, marahil ay nabulag siya. Tatlong beses siyang nagretiro.
Ang dehydration, o pagkawala ng tubig sa katawan, ay isang pang dapat iwasan, subalit mahirap gawin pag naghahabol ng timbang, gaya ng napabalitang nangyayari kay Erik Morales. Nakakahilo, at nakakapinsala sa bitukat ibang bahagi ng katawan.
Brain damage ay naging malaking usapin mula nang mapinsala si Muhammad Ali ng Parkinsons. Natagpuang hanggang 40 porsyento ng mga boksingerong naglaro ng mahigit anim na taon ay nagpapakita ng masamang epekto sa utak.
Sa bawat suntok na tinatanggap mo, humahampas ang utak mo sa loob ng iyong bungo. Madalas, panghabangbuhay na ang tama sa utak. Bumabagal ang pag-iisip, ang pananalita, at ang kontrol ng pagkilos. Minsan, kahit mga 25 taong gulang ang atleta ay nakikitaan na siya ng problema sa utak.
Kaya, habang ipinagsisigawan natin na magtagumpay ang mga boksingero natin, ipagdasal natin ang kanilang kaligtasan. Ang panandalian nating katuwaan ay pagbabayaran nila ng habangbuhay.