Kailangan lamang tawirin ng Barakos ang 48-minutong hamon na ibibigay ng Alaska Aces sa alas-4:40 ng hapong sagupaan sa Game-Three ng kanilang quarterfinal series at mapapasakanila na ang ikatlong semifinals berth.
Naghihintay sa semi-finals ang Barangay Ginebra kung sino ang kanilang kakalabanin sa best-of-seven series.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Red Bull para makausad sa susunod na round makaraang isubi ang 100-92 panalo sa Game-One at kunin ang 80-73 pamamayani sa Game-Two noong Linggo para kunin ang 2-0 bentahe sa best-of-five series.
Nakasalalay naman sa bagong import ng Talk N Text na si Darvin Ham ang kapalaran ng Phone Pals sa yugtong ito ng kompetisyon na ipaparada nila ngayon laban sa Air21 sa alas-7:25 ng gabi.
Kinuha ng Phone Pals ang 10-year NBA veteran na si Ham para pumalit kay Damien Cantrell na nagkaroon ng injury sa hamstring.
Tabla sa 1-1 panalo-talo ang best-of-five serye ng Talk N Text at Air21 kung saan ang mananalo ay sasagupain naman ng Purefoods sa isa pang best-of-seven semis series.
Bukod kay import James Penny na pumalit kay Quemont Greer, umaasa si Red Bull coach Yeng Guiao na higit sa 100% paglalaro ang ibibigay ng mga locals na sina Lordy Tugade, Enrico Villanueva at iba pa.
Si import Odell Bradley pa rin ang aasahan ng Aces ngunit naririyan ang mga locals na sina Don Allado, Tony dela Cruz at Brandon Lee Cablay na tutulong sa kanilang import. (Carmela Ochoa)