TNT, RB nakauna

Naligtasan ng Talk ‘N Text ang inspiradong laro ni Air21 offguard Gary David sa fourth quarter para hatakin ang 1-0 lead sa kanilang best-of-five quarterfinals series.

Itinakas ng Phone Pals ang dramatikong 111-109 tagumpay kontra Express, tampok rito ang 22 puntos ni guard Donbel Belano, sa Game 1 ng kanilang quarterfinals showdown sa San Mig Coffee PBA Fiesta Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Ang mintis na jumper at umalog na lay-up ni Wynne Arboleda para sa huling dalawang posesyon ng Air21 sa huling sandali ang tuluyan nang nagbigay sa Talk N Text ng panalo.

Sa unang laro, iginupo naman ng Red Bull ang Alaska Aces, 100-92, kung saan ibinandera nila ang kapalit ni import Quemont Greer na si James Penny upang ilista ang sarili nilang 1-0 edge patungo sa Game 2 ngayon ng quarterfinals series sa Big Dome.

Matapos magtala ng 2 puntos sa kabuuan ng first half, naghulog si David ng 19 produksyon sa final canto, ang huli ay nang ibigay niya sa Express ang 107-104 abante sa huling 1:43 nito. (RCadayona)

Show comments