Sa kasalukuyang conference, nagdesisyon lang si Cone na pauwiin si Artemus McClary dahil may injury na ito at nagpipilit lang talagang maglaro nang todo. Maganda palagi ang simula ni McClary subalit tumutukod sa dakong huli.
So, nagpalit nga ng import ang Aces. Una nilang pinarating ang datihang si Victor Thomas subalit laking gulat nila nang lumampas ito sa itinakdang sukat para sa import sa San Mig Coffee PBA Fiesta Conference.
Bagamat walang import ay nagawang manaig ng Alaska Milk kontra Sta. Lucia Realty sa kanilang paghaharap noong December 7. Matapos iyon ay dumating sa kanilang kampo si Odell Bradley na produktong University of Indiana/University of Purdue.
Pero tila hindi ganoong kadominante si Bradley. Kapag tinanong mo ang mga sumusubaybay sa liga, sasabihin sa iyong ordinaryo lang ang skills nito.
Hindi nga bat sa Game One ng wild card series sa pagitan ng Aces at Realtors noong Linggo ay ibinangko ni Cone si Bradley sa fourth quarter nang lumamang ng sampung puntos ang Sta. Lucia?
Kahit na all-Filipino ang naglaro para sa Alaska Milk ay nagawa nitong makabalik at mapuwersa sa dalawag overtime periods ang kalaban. Katapus-tapusan ay nagwagi pa ang Alaska Milk, 108-104.
Kumbagay statement iyon para sa Alaska Milk na hindi sila sumasandig nang todo-todo sa kanilang import. May sapat na firepower ang mga locals ng Alaska Aces na nagwagi ulit kontra Realtors, 95-90 noong Miyerkules upang umusad naman sa best-of-five quarterfinals kontra Red Bull Barako.
Malamang na si Bradley na ang maging import ng Alaska Milk hanggang sa kung saan sila umabot sa torneo. Kasi ngay kaya namang alalayan ng mga locals ang kanilang import at hindi vice-versa.
Sa tutoo lang, sa isang interview kay Cone ng mga sportswriters ay inamin niyang hindi talaga niya ugaling magpalit ng import. Kumbagay pinili niya ang pinarating niyang import at kailangang pigain na lang niya ito hanggat mapipiga niya. Para bang sinasabi niya na katungkulan ng isang coach na palabasin ang galing ng isang manlalaro.
Kung magpapalit-palit nga naman ng import ang isang team, para bang humahanap lang ang isang coach ng "superman" na pwedeng bumuhat sa kanilang lahat. At hindi naman ito tama dahil sa ang import ay isang miyembro lang ng team. Kailangang gawin din ng locals ang kanilang magagawa at huwag silang umasa nang todo-todo sa iisang tao.