Ayon kay PSC chairman William "Butch" Ramirez, gusto nilang pag-ukulan ng atensyon ang pag-unlad ng mga local coaches.
"We will invest on the local coaches because of the institute," wika ni Ramirez sa itatayong sports institute ng sports commission sa hangaring mapataas ang antas ng mga Filipino mentors.
Sa kanilang Board meeting noong Martes, hindi na binigyan ng PSC ng extension ang anim sa 16 foreign coaches na gumagabay sa ilang sports associations.
Kabilang sa mga binigyan ng PSC ng bagong kontrata ay sina American Purvis Granger ng bowling at Chinese Zhand Dehu ng diving.
Sinabi ni Ramirez na gusto niyang makita ang transfer of technology sa hanay ng mga foreign coaches hanggang sa mga local mentors.
"Dapat may maiiwan siyang technology sa ating mga local coaches kapag natapos na ang kontrata niya," ani Ramirez. "Hindi kasi ito nangyayari eh. Pagtapos ng contract nila basta na lang sila aalis."
Ang performance ng kanilang mga atleta sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games ang naging basehan ng PSC sa pagbibigay ng extension sa anim na foreign coaches.
Sa nasabing biennial event, humakot ang Team Philippines ng kabuuang 113 gold, 82 silver at 94 bronze medals para tanghaling overall champion. (Russell Cadayona)