Ayon kay PHILSOC Sports Operations chairman Richie Garcia, ang 10 porsiyento sa nasabing pondo ay maiiwan pansamantala sa bangko hanggang hindi nakukumpleto ng Cebu ang kanilang dokumento.
"Although the money will still be in the bank, we requested that a retention of 10 percent will be in the bank hanggang maisara nila yung libro," ani Garcia.
Sinabi ng Philippine Sports Commissioner na hinihingi nila sa Cebu SEAG Organizing Committee (CebuSoc) ang kumpletong listahan ng pinagkagastusan nila sa nakaraang 23rd SEA Games.
"Wala kasi silang breakdown na ipinapakita sa amin. Gusto naming malaman kung ilan ang gumamit ng hotel, ng catering. Medyo kulang pa sa konting dokumento eh," wika ni Garcia.
Ang nasabing P7 milyon ay bahagi ng ipinangakong P10 milyon ng PHILSOC para sa pangangasiwa ng Cebu City sa anim na sports events ng naturang biennial meet.
Maliban sa Cebu, may P13 milyon pang utang ang PHILSOC sa Bacolod City na namahala rin sa anim na sports events.
Sinabi ni Garcia na nakapagdeposito na ang PHILSOC ng pondo sa bangko noong Disyembre 29 ng 2005 kagaya ng kanilang ipinangako sa Cebu at sa Bacolod City.
"Actually, even before the end of the year the money was already deposited," ani Garcia. "But definitely all the accounts that was incurred during the SEA Games was gonna be paid." (Russell Cadayona)