Phone Pals No. 4

Binalikat ni Damien Cantrell ang opensa ng Talk N Text upang ihatid ang Phone Pals sa pagsukbit ng ikalawang awtomatikong quarterfinal slot sa pagbabalik ng aksiyon kagabi sa San Mig Coffee-PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome.

Tumapos si Cantrell ng 22 puntos, bukod pa sa paghakot ng 22 rebounds upang ipakita sa management ng Phone Pals na karapatdapat siyang manatili sa koponan.

Nauna rito, napabalitang papalitan na si Cantrell ng Phone Pals dahil sa lumalaylay na kampanya nito.

Ang panalo ay naglagay sa tropa ni coach Joel Banal na upuan ang No. 4 slot sa best-of-five quarterfinals at ipagpag naman ang Express sa best-of-three sa wildcard phase.

"I admire Damien (Cantrell), he’s a fighter and he wants our team to win," ani Banal sa mahusay na ipinamalas ng kanilang reinforcement.

Bukod kay Cantrell, nakatulong rin ng malaki sina Asi Taulava, Mark Telan, Willie Miller at Jimmy Alapag na pawang nagrehistro ng double digits.

Tumapos si Telan ng 18 puntos, habang sina Miller, Taulava at Alapag ng tig-15 puntos para ibangon ang Phone Pals.

Dahil sa kabiguan ng Express, mapapasabak sila sa matatalo sa ‘survivor round’ sa wildcard phase sa pagitan ng San Miguel Beer at Coca-Cola.

Sa simula pa lamang ay mainit na ang kampanya ng Phone Pals ng kanilang iwanan ang Express sa 20-11 na tinampukan ng tres ni Telan may 5:28 ang nalalabi sa first period.

Gayunpaman, nakalapit ang Express sa 17-20 mula sa pinaalpasang jumper ni Wynne Arboleda, subalit panandalian lamang ito at matinding atake naman ang isinagot ng Phone Pals ng kanilang palobohin sa walong puntos ang kanilang kalamangan, 29-21.

Hindi pa nasiyahan, lalong nag-init ang pulso ng Phone Pals ng kanilang iligwak ang Express sa pinakamalaking kalamangan sa 33-21 sa pagtatapos ng first half mula sa undergoal stab ni Harvey Carey.

Ngunit hindi pa rin natinag ang Express at sa pagtutulungan nina Gary David at Ren Ren Ritualo, unti-unti nilang ibinaba ang pundasyon ng Phone Pals ng makalapit sa 26-33 patungong 7:41 segundo ng second quarter.

Hindi naging madali sa Phone Pals ang pagligwak sa Air21 ng isang 13-2 salvo ang inilatag ng Express sa pangunguna ng kanilang import na si Shawn Daniels, nagawa nilang itabla ang iskor sa unang pagkakataon sa 41-all, may 1:51 ang oras sa first half.

Umabante pa ang Express sa 45-43 mula sa basket ni Ranidel De Ocampo, pero isang tres ang pinakawalan ni Alapag upang muling agawin ang manibela sa 46-45, 9.4 segundo na lamang sa naturang quarter.

Huling nagtabla ang dalawang koponan sa 46-all mula sa split shot ni Ronald Tubid mula sa foul ni Alapag, bago muling umalpas ang Phone Pals.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban pa ang Barangay Ginebra at Red Bull na nag-uunahan sa pagkuha ng ikalawang awtomatikong semifinals berth. (Carmela Ochoa)

Show comments