MERRY CHRISTMAS

Sa siyam na koponang kalahok sa San Mig Coffee PBA Fiesta Conference, tatlo sa kanila ang nagkaroon ng noche buena na walang alalahanin at kuntento.

Ito’y ang Purefoods Chunkee Corned Beef, Sta. Lucia Realty at Red Bull Barako.

At naiintindihan naman natin kung bakit sila masaya sa Araw ng Pasko.

Unang-una na ang Purefoods Giants dahil sa nakadiretso na ito sa semifinal round ng torneo matapos na wakasan ang classification round schedule sa kartang 10-6. Bunga nito’y nakatitiyak na ang tropa ni coach Paul Ryan Gregorio na ang pinakamababang pwesto na pwede nilang marating ay ikaapat.

Ito’y kung matatalo sila sa semifinals at pagkatapos ay matatalo rin sa battle for third place.

Kung magkaganito (knock on wood), mas mataas pa rin ito kaysa sa sixth place na siyang pinakamataas na narating nila buhat nang magkampeon ang Purefoods noong 2002. Mahaba-haba rin naman ang tiniis ng Purefoods na palagi ngang nangulelat buhat nang huli silang magkampeon.

At matagal-tagal din ang kanilang magiging bakasyon dahil ang pinakamaagang puwedeng maglaro silang muli ay sa Enero 22 pa. So mapaghahandaan nila nang husto ang semifinal round.

Katunayan ay pinauwi na muna ng Giants ang import na si Marquin Chandler para magdiwang ng Kapaskuhan sa Estados Unidos. Sa Enero 4 siya magbabalik.

Ikalawang sumaya ang Sta. Lucia Realty noong Disyembre 21 nang talunin ng Alaska Aces ang San Miguel Beer sa overtime. Bunga ng panalo ng Aces, nakatiyak ang Realtors na hindi sila mangungulelat sa torneo at pwedeng sixth or seventh place sila sa pagtatapos ng classification round.

Mahirap kasing mangulelat dahil kakailanganin ng No. 9 team na talunin nang dalawang beses ang No. 8 squad upang umusad sa "wild card" phase.

Ikatlong sumaya ang Red Bull Barako matapos na maungusan nila ang Coca-Cola Tigers, 78-77 noong Biyernes. Dahil sa panalong iyon ay nakatiyak ang tropa ni coach Joseller "Yeng" Guiao na sila ang makaka-playoff para sa ikalawang automatic semifinals berth.

"Hindi na importante sa amin kung sino pa ang makakaharap namin sa playoff. Ang importante sa amin ay manalo kami laban sa Coca-Cola," ani Guiao ilang minuto matapos na magwagi sila.

Kumbaga’y nakuha ng Giants, Realtors at Barakos ang hinihiling nilang Pamasko kaya naman prenteng-prente sila sa kanilang noche buena.

Sa kabilang dako, ang anim na iba pang koponan ay binabagabag pa ng kanilang kinabukasan sa torneo.

Pero siyempre, kahit paano’y kinalimutan muna nila ito nang ilang saglit.

Parang tayo!

Sa kabila ng sangkatutak na problemang dumarating at patuloy na darating sa atin, isinaisang-tabi natin itong lahat upang ipagdiwang ang Pasko. Kahit ba litson manok o tuyo’t itlog na maalat lang ang nakahain sa ating hapag noong noche buena, pinilit nating maging masaya. Ginunita natin ang kapanganakan ni Jesus na siyang nagligtas sa atin.

Ang Pasko’y simbolo ng kaligtasan. Mahirap man at matinik ang landas na ating dinaraanan, kung Siya’y nasa puso natin, gagaan ang ating dalahin at mararating natin ang ating paroroonan.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Show comments