Humakot si De Ocampo ng 15 sa kanyang tinapos na 28-puntos upang pamunuan ang Express sa kanilang ika-walong panalo matapos ang 15-laro para saluhan ang walang larong Red Bull sa 8-7 kartada.
Katulong ni De Ocampo ay sina Ren ren Ritualo na may 15 puntos, Wynne Arboleda na may 14 upang lukuban ang 12-puntos na produksiyon lamang ni import Shawn Daniels, at ipalasap sa Tigers ang ikawalong talo matapos ang 14-laro at manganib na mapasama sa survivor round kung saan magsasagupa ang No.9 at 8 team na may twice-to-beat advantage sa una.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang defending champion San Miguel Beer (5-8) at ang Barangay Ginebra (7-6).
Samantala, magpapatuloy ang aksiyon sa Balanga, Bataan kung saan nakatakdang magsagupa ang Talk N Text at ang Alaska sa alas-4:30 ng hapong sagupaan sa Balanga Peoples Center.
Hangad ng Talk N Text na palawigin ang 7-6 win-loss slate laban sa Alaska na nais namang lalong pagandahin ang 6-7 win-loss slate sa tulong ng kanilang bagong import na si Odel Bradley na pumalit kay Tee McClary. (CVOchoa)