Nagbigay ang PHILSOC ng P9.1 milyon sa Bacolod City mula sa kanilang utang na P23.8 milyon hinggil sa pangangasiwa sa limang sports events ng 2005 SEA Games.
Naghahabol naman ang Cebu City ng P7 milyon galing sa kabuuang P10 milyong singilin nito sa PHILSOC kaugnay sa pamamahala sa limang sports events.
"Those are commitments and they have to be paid somehow," sabi ni Cojuangco, tumayong Chief Executive Officer ng PHILSOC. "Were working on that as hard as we can and as fast as we can para mabayaran yung mga obligations namin sa kanila."
Ang Bacolod City at Cebu City, bukod pa ang Subic Bay Freeport, ang tumayong satellite venues ng nasabing biennial event kung saan tinanghal na overall champion ang Team Philippines sa nakolektang 113 gintong medalya.
Ang nasabing mga utang ng PHILSOC sa dalawang satellite venues ay mula sa operational expenses.
Ayon kay Cojuangco, nagkaroon lamang ng pagkaantala at kalituhan ukol sa pagbabayad ng PHILSOC ng mga utang nito sa Bacolod City at Cebu City.
"Nagkaroon lang ng mga delays sa pagbabayad and maybe some misconception," wika ni Cojuangco.
Matatandaang inestima ng PHILSOC na gagastos sila ng mula P800 milyon hanggang P1.2 bilyon para sa pagpapatakbo ng 2005 SEA Games. (Russell Cadayona)