Ang kwento ni Ledezma, na kilala sa mas maikling bansag na Dario Azuaga, ay karaniwan sa mga pobreng boksingero sa Latin America. Ang kanyang amang si Pastor Azuaga ay napakahusay na amateur boxer na tinawag na "The Guarani Indian" dahil nagmula siya sa Chulupi tribe. Nagtagumpay si Pastor sa iba-ibang torneo. Bagamat 43 kilo lamang ang bigat niya, lumaban siya bilang flyweight. May balitang siya ang dahilan kung bakit nilikha ni World Boxing Council president Jose Sulaiman ang light flyweight division.
Mula sa pagkabata, inilaban si Feliciano Dario sa mga kalsada, parke at boxing event sa buong Paraguay, at naging matagumpay siya sa karamihan ng mahigit isang daang laban. Sa matinding pangangailangan, naging pro siya.
Nagsimula sa professional boxing si Azuaga noong February 5, 1993 sa pamamagitan ng isang fifth-round knock-out sa kababayang si Fernando de la Mora. Sa pangalawa niyang laban -- na ginawa sa Argentina -- itinumba niya si Olegario Manuel Vallejos sa unang round. Dahil dito, binansagan siyang "El Indio de Oro" o "The Golden Indian". Sa isat kalahating taon lamang, naging Paraguayan bantamweight champion si Azuaga.
Sa 76 na laban, 66 ang kanyang naipanalo, 57 dito ay knockout. At nakagugulat sa lahat, 25 ay tinapos niya sa first round. Matagal na niyang gustong makaharap ang kaliweteng si Peñalosa, at ngayon lamang siya nabigyan ng pagkakataon. Ito rin ang unang pagkakataon na lalaban si El Indio de Oro sa Asya. Lahat ng laban niya ay ginawa sa Paraguay, Argentina, at Mexico.
Huling lumaban ang tubong Silay City, Negros na si Peñalosa (48-5-2 na may kasamang 33 KO), noong November 2004 sa Casino Filipino sa Parañaque para sa bakanteng WBF super flyweight title. Pinatulog niya ang Thai na si Bangsaem Sithpraprom, na may kartadang 14-0 (pitong knockout).
Matapos mabigo sa paghahanap ng pagkakataon sa Amerika, nagbalik si Gerry sa Pilipinas upang gumawa ng pagkakataon na maging world champion muli.
Bukas ng alas -9 ng gabi, mapapanood ang primer ng "Rage in December," sa IBC-13.