Makakasagupa ng Chunkee Giants ang Talk N Text sa tampok na laro sa alas-7:25 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bago mag-break ang PBA, namamayagpag ang Purefoods sa kanilang taglay na 9-3 win-loss slate habang ang dating leader na Phone Pals ay may 6-5 win-loss slate na nais makabawi sa tatlong sunod na kabiguan.
Magpaparada naman ang Sta. Lucia Realty ng bagong import sa kanilang pakikipagharap sa Alaska na may 5-7 kartada.
Muling sasandal ang Purefoods sa kanilang maaasahang import na si Marquin Chandler upang masundan ang kanilang 78-69 panalo laban sa Alaska, 16-araw na ang nakakaraan.
Umaasa si coach Ryan Gregorio na hindi kinalawang ang kanyang mga bata matapos matengga ng mahigit dalawang linggo.
Isasalang naman ng Realtors ang balik-PBA-import na si Damian Owens sa kanilang pakikipagharap sa Alaska sa unang sultada sa alas-4:40 ng hapon.
Umaasa ang Realtors na magdedeliver si Owens bilang kapalit ni Omar Weaver para sa kanilang hangaring maka-ahon sa ilalim ng team standings.
Magkasalo ang Alaska at Sta. Lucia sa 5-7 record na sinusundan lamang ng kulelat na defending champion San Miguel Beer na bahagyang gumanda ang katayuan matapos ang 66-62 panalo sa Aces sa unang laro ng PBA matapos ang break noong Sabado sa Iloilo City.
Aasa naman ang Phone Pals kay import Damien Cantrell katulong sina Paul Asi Taulava at Jimmy Alapag upang maduplika ang kanilang 96-82 panalo sa unang pagkikita noong Nov. 30.
Kay import Tee McClary naman sasandal ang Alaska na nais ding maulit ang 80-75 panalo sa Realtors nang unang silang magkita noong October 5. (CVOchoa)