Nagsimulang lumahok ang mag-asawa sa mga patimpalak noon pang 1998, at naging matagumpay di lamang dito, kundi pati sa ibang bansa. Subalit nahirang lamang silang reserve ng DanceSport Council of the Philippines (DSCP) para sa Southeast Asian Games. Nang di sila pumayag sa ipinagpi-pilitang kontrata para magbigay ng isang taon ng kanilang serbisyo bilang kapalit ng paglahok, tuluyan silang tinanggal.
Matagal na silang inanyayahang maging representante ng bansa sa magkasunod na World Standard Championship sa Krefeld, Germany, at sa nabanggit na labanan sa Austria. Salamat sa tulong ng Thai Airways, napuntahan nila pareho.
"Sa Germany, medyo malamig sila sa amin," salaysay ni Anne Poloyapoy sa PSN. "Bihirang bihira kasi silang makakita ng mga Pilipino doon, e."
Dahil sa husay ng mga kalaban, natapos sa ika-63 na puwesto si Jerswin at Anne sa 72 pares. Subalit nakuhanan nila ng video ang lahat ng mga nagwagi, upang mapag-aralan. "Sa Austria naman, tuwang-tuwa ang mga organizer, dahil buong akala nila, hindi kami makakarating," dagdag ni Anne. Dalawa naman ang naging bagong suliranin: sobrang dulas ng sahig, at labis na lamig ng panahon. Nanghiram na lang sila ng spray na pampakapit mula sa mga kalaban mula sa Japan. Nanumbalik naman ang asthma ni Anne dahil -3 degrees ang lamig. Pero lumaban pa rin sila.
"Maikli lang kasi ang visa na ibinigay sa kasama namin," paliwanag niya. "Kaya, pati litrato ay wala kami, pwera sa nakunan namin sa cell phone namin."
Ngayong nakabalik na sila, may malaki silang sangandaang hinaharap: mananatili ba silang amateur na sakop ng DSCP (kung saan direktor si Jerswin), o magiging pro at makikipagsa-palaran sa Philippine Professional DanceSport Association (PPDSA)? Ang isa pang tinatanong ng mga Poloyapoy sa kanilang sarili ay kung dapat pa silang sumali sa mga torneo dito sa Pilipinas, bagamat nakatikim na sila ng pamumulitika rito? Nagtataka pa rin sila kung paano naging minsanan lamang ang try-outs para sa SEA Games, gayung karaniwan ay serye ang mga qualifying event. Kung tutuusin, matagal na rin silang nakapagtatanghal at nakapagtuturo sa mga ibang bansa, tulad ng Singapore, Indonesia, Malaysia at Hong Kong. At maliliit pa ang kanilang dalawang anak na lalaki.
"Kung wala na talagang mangyayari sa amin dito, bakit pa kami sasali?" katuwiran ni Anne. "Di sa ibang bansa na lang kami."
At hindi sila ang una o huling atletang Pinoy na pinakinabangan ng ibang bansa.