Bumaril ng 337 puntos sina Rosario, Patricio Bernardo at Darius Alexis Hizon para maisukbit ang gintong medalya sa team event ng skeet shooting event bago sinungkit ang individual na karangalan.
"Hindi pa ito nangyayari sa atin. Pinilit talaga namin iangat ang bansa sa larong ito kaya labis labis ang tuwa namin," wika ng 23 anyos na si Rosario.
Kinumpleto ni Rosario, na nasa ikatlong paglalaro sa SEA Games, ang kanyang pagbandera sa koponan nang maiuwi ang kanyang pangalawang ginto sa individual event. Matapos kumasa ng 23, 25, 22, 22 at 24 para sa nangungunang 116 puntos sa unang limang putok, naka-iskor naman si Rosario ng 22 sa final round upang pantayan ang naipuntos ng pambato ng Malaysia na si Cheoung Yew Kwan.
Angat si Rosario kay Malaysian Cheoung Yew Kwan sa naunang limang putok (23-25-22-22-25), 116 laban sa 115, napangalagaan ng Pinoy shooter ang kanyang isang puntos na abante para sa gold at pumangalawa lamang ang Malaysian para sa silver sa final score na 138-137.
Hindi naman naging masuwerte si multi-titled Nathaniel Tac Padilla na nagkasya lamang sa silver medal sa kanyang paboritong 25m rapid fire pistol.
Umiskor si Padilla ng 754.6 puntos sa likuran ng nagkampeon na si Hasli Izwan Amir Hazan ng Malaysia, 756.7. (LJVillena)