Sinagwan ng RP paddlers ang ginto mula sa mens 10 aside at 20 aside 1,000meter na pinarisan naman ng kanilang womens counterpart sa womens 10-aside 1,000 meter upang higitan sa unang araw pa lamang ang kanilang isang ginto at isang bronze na produksiyon sa 2001 Vietnam Games.
Tinalo ng mga mens traditional boat racers ang Indonesia sa dalawang event habang naungusan naman ng mga RP lady paddlers ang Myanmar para sa gintong medalya.
Kasama sa mens traditional boat team ay sina Suhod Hakim, Ruberto Sabijon, Jun Rey Dayumat, Manuel Maya, Ric Nacional, Ricardo Toyay, Cresanto Pabulayan, Ricky Sardena, Harland Baraquero, Ronald Tan, Perlito Idorot, Andres Manongsong, Norman Bacus, Jesus Asok at Rommel Dionio na suportado ng San Miguel Beer Corporation.
Ang bumubuo naman ng womens team ay sina Mirasol Abad, Jinky Agustin, Marietta Alba, Aming Anuddon, Gerraldine Bernardo, Gunelyn Denung, Stephanie Deriada, Miocelle Gabiligno, Tracy Galac, Angelen Hopelos, Maridel Manahan, Alejandra Orola, Ma. Ailene Padrones, Rosalyn Tordilla at Roditha Poralan.
Inaasahang madadagdagan pa ang produksiyon ng mga traditional boat racers sa mga natitirang events na mens 20A-side (500-m) at 10A-side (500-m) at sa womens 10A-side (500-m).
"Pipilitin namin pang madagdagan yung gintong medalya natin. And I think mas maganda ang tsansa kasi malakas yung team natin sa 500-m," sabi ni dragon boat association secretary-general Nestor Ilagan na malaki ang pasasalamat sa god-father na San Miguel Beer, na nagtalaga kay basketball star Samboy Lim bilang team manager.
Nagsumite ang mens team ng tiyempong 3-minutes, at 37.16 segundo na mas mabilis lamang ng .31 of a second sa silver medalists na Indonesia at mahigit isang minuto sa Myanmar na naka-bronze sa 20 aside.
Tinalo naman ng RP paddlers na nagsumite ng 3:55.47 minuto ang Indonesia sa 10-aside ng mahigit dalawang segundo habang ang Myanmar ay nagsumite ng 4.06.22 para sa bronze. (CVOchoa)