Tinumbok ni Alex Pagulayan ang kanyang ikatlong gold medal matapos talunin ang kababayang si Lee Van Corteza, 9-6, sa isang all-Pinoy finals match sa mens 8-ball singles sa billiards and snooker event ng 23rd Southeast Asian Games kagabi sa Makati Coliseum.
Unang hinablot ni Pagulayan, ang 2004 World Pool champion, ang kanyang gold medal sa mens snooker team katuwang sina Leonardo Andam, Joven Alba at Felipe Tauro, Jr. bago nakipagtambalan kay Dennis Orcullo sa mens 9-ball doubles event.
Sa kanilang laro ni Corteza, humataw ng dalawang gold medal sa 2003 Vietnam SEA Games, kinuha ni Pagulayan ang 2-1 abante bago nakatabla ang una sa 8th rack, 4-4.
Matapos ang naturang pagdikit ni Corteza, sinargo naman ni Pagulayan ang apat sa sumunod na anim na lamesa upang iposte ang komportableng 8-6 bentahe patungo sa gintong medalya.
Umakyat na sa kabuuang anim na gold medal ang naibulsa ng Team Philippines sa nasabing event na tinampukan ng pagre-reyna ni Rubilen Amit sa womens 8-ball singles noong Huwebes ng gabi.
Pinayukod ng 24-anyos na si Amit, estudiyante ng University of Sto. Tomas, ang pambato ng Singapore na si Hoe Shu Wah sa iskor na 9-5 panalo sa kanilang race-to-9 finals match. (Russell Cadayona)